By Christian Dee
MAYNILA – Tatlong security guard sa Sariaya, probinsya ng Quezon, sugatan mula sa isang insidenteng pamamaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek nitong Sabado ng gabi, Nobyembre 12.
Base sa ulat ng kapulisan ng nasabing probinsya, nakasakay sa isang puting van na walang plate number ang mga salarin nang bigla itong sumulpot bandang alas-10 ng gabi sa Sitio Dalampasigan, Brgy. Guis-Guis Talon.
Pinagbabaril ng mga suspek ang tatlong sekyu na sina Norodin Ebrahim, Esmael Panalandang at Muslimin Lin, na silang nagbabantay sa isang lupain.
Nagtamo ng mga sugat mula sa pamamaril ang mga biktima. Samantala, dinala rin ang mga ito sa ospital sa nasabing bayan at nananatiling naka-confine para sa pagpapagamot.
Ayon sa iniulat, binalikan ni Ebrahim ng pagbaril ang mga umatake sa kanila ngunit matapos ang insidente, nakatakas ang mga suspek.
Iniimbestigahan naman ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga armadong lalaki at alamin ang motibo sa pangyayari.