By Frances Pio
––
Aabot sa 30,000 katao ang inaasahang dadagsa sa Intramuros area para manood ng inagurasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. sa Huwebes, sabi ng Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo na binuksan ng mga organizer ang Intramuros Golf Course bilang lugar para sa mga indibidwal na dadalo upang manood sa inagurasyon.
Ang lugar ay inaasahang mapupuno ng 25,000 hanggang 30,000 indibidwal.
“Inaasahan natin, expected natin na ang papasok doon sa Intramuros Golf Course is around 25,000 to 30,000,” sinabi ni Fajardo.
Dahil dito, hiniling ng PNP sa mga dadalo na huwag magdala ng mga backpack, hindi transparent na lalagyan ng tubig, matutulis at matatalim na bagay (cutter, blades, kutsilyo, atbp.), alcoholic drinks at sigarilyo, kemikal, fireworks at pyrotechnics, lighter, posporo at iba pa mga bagay na nasusunog, at mga drone.
Kung hindi nila maiiwasan ang hindi pagdadala ng anumang bag, sinabi ni Fajardo na sa halip ay magdala sila ng mga transparent na backpack at maging ang mga transparent na lalagyan ng tubig.
“Kung ganoong karaming tao at iisa-isahing i-screen, para hindi na sila maantala ay ‘wag na silang magdala ng mga sinasabi ko,” sinabi ni Fajardo.
Nauna nang sinabi ng PNP na maglalagay ng security control points para limitahan kung sino ang makakapasok sa perimeter ng National Museum.