By Frances Pio
––
Apat na lalaking nagbebenta ng pekeng gold bars ang inaresto ng pulisya sa pamamagitan ng entrapment operation sa Capistrano Complex, Barangay Gusa sa Cagayan de Oro City noong Sabado, Hunyo 4.
Kinilala ng Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) sa isang pahayag nitong Linggo, Hunyo 5, ang mga suspek na sina Rey Naranjo, 58, ng Barangay Indahag; Junalie Licawan, 58, ng bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental; Jerson Liquinan, 28, at Jimwel Homonlay, 33, kapwa taga-Bukidnon Province.
Isang Mitchel Naranja mula sa Bayan ng Opol sa Misamis Oriental ang nagsampa ng reklamo sa City Mobile Force Company (CMFC) ng Cagayan de Oro at humingi ng tulong matapos siyang dayain ng humigit-kumulang P500,000 kapalit ng gold bar na lumabas na peke pagkatapos ng masusing pagsusuri noong Abril ngayong taon.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na si Naranja, ang biktima, ay nakipag-ugnayan kamakailan sa mga suspek at inalok ng P1,800,000 halaga ng mga gold bar. Nagkunwaring kinuha ng biktima ang alok at humingi ng tulong sa mga awtoridad na nagsagawa ng entrapment operation.
Mayroon pang limang indibidwal, sabi ng pulisya, na sangkot ngunit at-large pa rin. Magsasagawa pa ng karagdagang imbestigasyon ang pulisya sa insidente.
Narekober ng mga police operating personnel ang dalawang piraso ng umano’y gold bar na nagkakahalaga ng mahigit P15,000,000.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa custodial facility ng CMFC at naghihintay ng kaukulang kaso na isasampa laban sa kanila.