By Christian Dee
MAYNILA – Nitong Biyernes, Nobyembre 11, inaresto ang apat na tao nang mahulihan ng mga ilegal na droga sa mga buy-bust operations sa Cavite at Rizal.
Ayon sa pulisya ng Region IV-A, hinuli si John Ray Sevilla matapos magbenta ng marijuana sa isang transaksyon sa “undercover” na pulis sa Barangay Palico 4, Imus City, Cavite.
Timbog ang tatlong sachet ng marijuana kay Sevilla, na may 460 grams na nagkakahalagang P69,000 base sa tantiya ng Dangerous Drugs Board (DDB).
Sa Antipolo City, sa probinsya ng Rizal naman, kinilala ang tatlo pang inarestong suspek sa ilegal na droga na sina Janeth Roldan, Marlon Vigilante at Rosemarie Salomon.
Nahulihan si Roldan ng tatlong sachet ng shabu na may DDB value na P35,000 matapos ang operasyon nitong 12:45 ng umaga.
Samantala, si Vigilante at Solomon naman, sa kabilang dako ng nasabing lungsod, ay nahuli matapos pagbentahan ang isang “poseur buyer.”
P35,000 ang halaga ng 4 na sachet ng shabu na nakita ng mga awtoridad mula sa dalawa.
Nakadetine naman ang mga suspek at haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.