By Frances Pio
––
Dinagsa ng mga aplikante ng Sangguniang Kabataan (SK) ang unang araw ng pagpapatuloy ng voter registration ng Commission on Elections (Comelec) bilang paghahanda sa Barangay at SK elections sa Disyembre.
Nakapagproseso ang Comelec-Eastern Visayas (Region 8) ng kabuuang 4,200 aplikasyon noong Lunes, Hulyo 4.
Ang mga SK applicants na may edad 15 hanggang 17-anyos ang may pinakamaraming aplikante na may 2,330 application na naproseso.
Ang mga aplikasyon para sa new registration para sa 18 hanggang 30 taong gulang ay nasa 583 habang ang pangatlo ay ang paglipat mula sa ibang lungsod o munisipalidad na may 580.
Hinihikayat ni Comelec-Region 8 Director Jose Nick Mendros ang mga kwalipikadong magpaparehistro na magparehistro ng maaga at huwag maghintay ng deadline dahil mayroon lamang tatlong linggong registration period.
“To avoid last-minute rush and crowd, all those qualified must visit their local Comelec office as early as possible,” ayon kay Mendro.
Bukas ang mga Election offices sa buong bansa para tumanggap ng mga aplikasyon mula Lunes hanggang Sabado mula 8 a.m. hanggang 5 p.m.