Share:

By Frances Pio

––

Inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes ang mga detalye ng naiulat na ikalimang pagkamatay mula sa malakas na lindol sa Luzon.

Sinabi ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal na ang unang naiulat na ikalimang pagkamatay mula sa Lalawigan ng Cagayan ay hindi napatunayan sa verification na ginawa ng ahensya.

Ngunit nananatili sa lima ang bilang ng mga nasawi dahil sa isang ulat na natanggap na isang tao ang namatay sa Ilocos Sur, ngunit sumasailalim pa rin ito sa beripikasyon.

“Earlier today, we went to four fatalities because the Cagayan fatality was already tagged as non-existent… But this morning, we had another item reported to us. So, we’re back to 5. We have five fatalities reported now at the NDRRMC again,” sinabi ni Timbal.

Ang iba pang naiulat na pagkamatay mula sa magnitude 7 na lindol noong Miyerkules ay mula sa La Trinidad at Tuba sa Benguet, Balbalan sa Lalawigan ng Kalinga, at Bangued sa Abra. Sinabi ni Timbal na ang mga ito ay kinumpirma ng mga lokal na opisyal.

Umabot na rin sa 131 katao ang naiulat na sugatan kasunod ng lindol. Karamihan o 113 sa kanila ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Ang apektadong populasyon ay nasa 12,945 mula sa anim na probinsya, ayon sa pinakahuling datos ng NDRRMC.

Binuksan na ang dalawampu’t isang evacuation center, na nagbibigay ng serbisyo sa 541 pamilya.

Nakapagtala ang NDRRMC ng 857 partially damaged at 11 na nawasak na bahay sa CAR.

Ang pinsala sa imprastraktura sa simula ay tinatayang nagkakahalaga ng P33.8 milyon. Walang mga dam na nasira ng lindol, ani Timbal.

Aniya, ang search, rescue, at retrieval operations ay patuloy na isinasagawa ng mga lokal na pamahalaan, bagama’t sa ngayon, hindi pa sila nakakatanggap ng kumpletong ulat ng mga nawawalang tao.

Samantala, sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na bumalik na sa normal ang public transport system sa mga lugar na naapektuhan ng lindol.

Ang mga kumpanya ng bus at mga daungan ay bumalik sa kanilang normal na operasyon, aniya.

Leave a Reply