Share:

By Frances Pio

––

Idineklara ng Malacañang ang Agosto 11 bilang Araw ng Samar at special non-working holiday sa buong lalawigan.

Sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 25 na nilagdaan noong Hulyo 28 ni Executive Secretary Victor Rodriguez, sinabi ng opisyal na ang holiday ay magbibigay ng pagkakataon sa mga taga-Samar na magdiwang.

“It is but fitting and proper that the people of Samar province be given the full opportunity to celebrate and participate in the occasion with appropriate ceremonies, subject to the public health measures of the national government,” sinabi ni Rodriguez.

Inihanay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Samar ang ilang aktibidad para sa pagdiriwang.

Magkakaroon ng parada ng 11 float mula sa dalawang lungsod at ilang bayan sa lalawigan.

Ang mga float ay idinisenyo batay sa kasaysayan, legacy, at kultura ng lokalidad.

Ang mga float entries ay mula sa Catbalogan City, Calbayog City, Basey, Daram, Gandara, Hinabangan, Jiabong, Matuguinao, San Jorge, Sta Margarita at San Sebastian.

Bago ang parada, magkakaroon ng commemorative program sa provincial capitol grounds na pangungunahan ni Governor Sharee Ann Tan.

Kabilang sa iba pang aktibidad ngayong linggo ang Animal Care Mission, Logo Competition, Mutya han Samar Coronation Night, job fair at Provincial Youth Governance Fair.

Nauna nang ipinagdiriwang ang Araw ng Samar tuwing Nobyembre 10 bilang paggunita sa pagkahalal ng mga unang opisyal ng lalawigan.

Noong panahon ng batas militar, inilipat ang pagdiriwang sa Agosto 23.

Noong huling bahagi ng dekada 1970, binago ng mga opisyal ang petsa sa Agosto 11 upang gunitain ang araw kung kailan nilagdaan ni Reyna Isabel ng Espanya ang royal decree na nagtatag sa Samar bilang isang hiwalay na lalawigan mula sa Leyte.

Leave a Reply