Share:

Inanunsyo na ng aktor na si Coco Martin ang nalalapit na pagtatapos ng longest running pinoy action series na “Ang Probinsyano.” 

“Mga ka-Probinsyano, dumating na po ang oras. Ang programang minahal ninyo ng pitong taon ay nalalapit na po ang pagtatapos. Malungkot man na tayo ay maghihiwalay, pero walang hanggang pagpapasalamat ang aming nararamdaman,” ani Martin. 

“Nagbago man ang mundo, nandyan pa rin kayo. Kahit man po matapos ang teleseryeng ito, hinding-hindi po matatapos ang pagmamahal namin sa inyo. Kaya kapit lang, sa huling tatlong linggo, ito po ang FPJ’s, “Ang Probinsyano, ang pambansang pagtatapos,” dagdag nito. 

Taong 2015 nang magsimulang umere sa ABS-CBN ang TV adaptation ng pelikula ni Fernando Poe Jr. noong 1996 na may kaparehong titulo. 

Nagpatuloy ang pag-ere nito hanggang sa kasalukuyan dahil sa pag-abang ng maraming Pilipino sa mga maa-aksyong eksena nito gabi-gabi. 

Maraming mga bigating artista ang naging bahagi ng patok na programa, kabilang na ang esposa ni “The King” na si Ms. Susan Roces. Nitong Mayo lamang, sumakabilang buhay na ang beteranang aktres dahil sa malubhang sakit. 

Una nang kumalat ang balitang tatapusin na ang programa ngayon Hunyo upang isabay sa pagdiriwang ng kaarawan ng Queen of Philippine Cinema. Naging malaking bahagi kasi ang ginampanang papel ni Roces sa teleserye bilang si Lola Flora, ang lola ng karakter ni Martin, na siyang nagdarasal para sa kaligtasan ng apong si Cardo. 

Sa kasalukuyan, mayroon ng pitong season ang programa, at nakapagtala na rin ng 1,679 na mga episode. Umiikot ngayon ang kwento sa pakikipag bakbakan ni Cardo kasama ng Task Force Aguila, laban sa tiwaling mga opisyal ng gobyerno. 

Number one topic trend na rin ngayon sa twitter ang serye. Maraming ikinabigla ang nalalapit na pagtatapos nito, at marami ring natuwa dahil masasaksihan na nila sa wakas ang dulo ng kwento. 

Nakatakdang ipalit dito ang fantasy action series na Darna na pinagbibidahan ni Jane de Leon sa Agosto 15. 

Leave a Reply