Sumali na rin ang Simbahang Katoliko sa trending online video posting app na Tiktok upang mahikayat ang mas maraming deboto na makinig sa salita ng Diyos.
Isa na rito si Argentinian Fr. Luciano Felloni na ginamit ang Tiktok simula nang isara ang mga simbahan dahil sa COVID19.
“Nagsimula nung ECQ, na-lockdown din ako and I live alone in one apartment. Magisa po ako, nai-struggle din ako during the ECQ and so I decided to put one minute positive suggestions to have a better day,” aniya.
Hindi lamang si Father Felloni ang gumagamit sa Tiktok upang ibahagi ang mabuting balita.
Kasama na dito si Fr. Fiel Pareja ng Angeles, Pampanga na nagbabahagi ng inspirational message sa video-sharing site.
Tinawag na “Father Tiktoker” ng Pampanga si Pareja na ginamit din ang Tiktok bilang alternatibong paraan upang maabot ang mga kabataan.
“Kasi nainip no, lockdown, pandemic, wala ring mga misa with congregation,’yun nasa loob ka lang ng simbahan, nasa kumbento, and then sabi ko, why not give it a try?” ani Fr. Fiel.
Ginagamit din nila ang app upang ipagdasal ang mga taong nawalan ng trabaho o kaya naman ay mga taong may pinagdadaanan dahil sa pandemya.