Share:

By: Jude Sagun

MANILA, Philippines – Kinoronahan na ang mga bagong reyna ng Binibining Pilipinas pageant, Lunes ng madaling araw sa Smart Araneta Coliseum.

Nasungkit ng Cebuana Beauty queen na si Nicole Borromeo ang Bb. Pilipinas International 2022 crown. Nakatakda siyang lumaban sa 2023 edition ng Miss International sa Japan.

Ngayong taon, si Bb. Pilipinas 2021, Hannah Arnold pa rin ang susubok na makuha ang ika-pitong korona ng Pilipinas sa pageant. 

Ang nagbabalik na kandidata naman na si Gabrielle Camille Basiano ng Samar, ang umuwi ng Bb. Pilipinas Intercontinental title; target ngayon ng beauty queen na masungkit ang 

back-to-back victory para sa Pilipinas sa Miss Intercontinental matapos itong mapanalunan ni Cinderella Faye Obenita noong nakaraang taon. 

Ang dating Miss Philippines Earth Water 2019 na si Chelsea Fernandez ng Tacloban City, ang lalaban naman para sa Miss Globe 2022. Susubukan niya rin na muling maiuwi ng Pilipinas ang Miss Globe sa magkasunod na taon matapos itong maipanalo ni Maureen Montagne. 

Naipanalo ni Roberta Angela Tamondong ng San Pablo Laguna ang Bb. Pilipinas Grand International crown. Susubukan niya ang kanyang suwerte sa Oktubre para mapanalunan ang unang Miss Grand International title para sa Pilipinas. 

Samantala, hakot award naman sa kompetisyon ang host at comedian na si Herlene Nicole Budol mula Rizal na kilala rin bilang ‘Hipon.’ Nanalo ito ng maraming sponsor awards at tinanghal na First Runner Up para sa Bb. Pilipinas.

Ang kababayan ni Budol na si Stacey Daniella Gabriel naman ang tinanghal na second runner up.  

Narito ang listahan ng iba pang mga Binibini na nakapasok sa top 12:

  • Yllana Marie Aduana
  • Diana Mackey 
  • Jasmine Omay
  • Annalena Lakrini 
  • Anna Carres De Mesa
  • Karen Laurrie Mendoza

Sina Miss Universe 2018 Catriona Gray at Bb. Pilipinas Grand International 2016, Nicole Cordoves ang nagsilbing host ng pageant. Nagpatili rin ng mga manunuod ang Ppop boy band na SB19 sa kanilang performances gayundin sina Maymay Entrata at BGYO.

Habang host naman ng Kumu live streaming para sa BBP ang Kapamilya heartthrob na si Edward Barber at 2020 Miss Grand International first runner-up Samantha Bernardo. 

Leave a Reply