Share:

By Frances Pio

––

Natagpuang patay ang isang lalaking dinukot sa isang gasoline station sa Taal, Batangas noong Miyerkules, Agosto 17, sa Eco-Tourism Road sa Sitio Pontor, Barangay Bignay 2 Sariaya, Quezon nitong Huwebes, Agosto 18.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Eugene del Rosario, 25 anyos, tubong Tondo, Maynila at kasalukuyang naninirahan sa Lemery, Batangas. Isa umanong delivery rider si Del Rosario base sa pagsisiyasat ng pulisya.

Sinabi ni Police Lt. Col. William Angway, hepe ng Sariaya police, sa isang ulat na nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at likod ang biktima.

Balot ng packaging tape ang kanyang buong ulo at nakatali sa likod ang kanyang mga kamay nang matagpuan ang kanyang bangkay alas-6 ng umaga.

Sinabi ni Jane, asawa ng biktima, sa pulisya na ang kanyang mister ay kakababa lang ng bus mula Maynila at pauwi na sana sa Lemery nang siya ay dinukot alas-8 ng gabi.

Sa kuha ng closed circuit television camera mula sa gasoline station, nakita si Del Rosario na dinukot ng hindi pa nakikilalang mga armadong lalaki na sakay ng dalawang sasakyan. Binilisan nila ang takbo patungo sa direksyon ng Sta. Teresita, Batangas.

Ayon kay Angway, posibleng pinatay ang biktima sa ibang lugar at itinapon sa Quezon para iligaw ang mga pulis.

Kasalukuyang nagsasagawa ang pulisya ng malalim na imbestigasyon sa kaso.

Kinondena ni Jane, sa isang Facebook post, ang pagpatay sa kanyang asawa. Nakiramay sa kanya ang mga netizen at nanawagan ng hustisya para sa biktima.

Leave a Reply