By Christian Dee
MAYNILA – Dinagsa ng mga pasahero ngayong Biyernes, Disyembre 23, dalawang araw bago ang Pasko, ang Batangas port ayon sa Philippine Ports Authority.
Kuwento ni Atty. Jay Santiago, general manager ng nasabing ahensya, nang pumasok sila sa naturang pantalan, nakita nilang mahaba ang pila ng mga sasakyan at marami ang mga biyahero patungong Mindoro at Visayas.
“Isang indikasyon din po ito na medyo kinukulang po tayo sa mga sasakyang pandagat natin,” ani Santiago.
Matagal nang nakipagtulungan aniya naman ang ahensya sa Maritime Industry Authority (Marina) at sa mga shipping lines ukol sa dami ng pasaherong babiyahe sa mga probinsya.
Para naman makapagdagdag ng biyahe, hinihintay ng PPA ang permit para sa special trip.
“Naghihintay po tayo siguro within next few hours o next couple of days, baka naman po magbigay ng permit para sa special trip ang Maritime Industry Authority,” tugon ng opisyal.