Hindi nagpahuli ang ilang mga beauty queen sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses, partikular sa Marikina City, Quezon City, at Rizal province.
Nakipag-ugnayan ang grupo sa Panday Bayanihan upang maipamahagi ang parte ng kanilang nalikom para makatulong sa mga naapektuhan ng bagyo sa pamamagitan ng mga isinagawang relief operation noong November 21.
Sa tulong ni Brian Poe Llamanzares, chief of staff (COS) ni Sen. Grace Poe, maayos nilang na-distribute ang kanilang donasyon sa ilang residente sa Marikina City, San Mateo at Rodriguez, Rizal.
Kasama sa mga nag-volunteer sina Angelia Ong, Miss Earth 2015 na kapwa Ilongga o “kasimanwa” ni Senator Poe, at si Miss Davao City Alaiza Malinao na sumali sa Ms. Universe Philippines 2020.
“I am glad that I have found a foundation that shares the same passion of compassion and giving, Bayanihan style. Panday Bayanihan is our newfound family that helped us reach more people who needed our help the most,” sabi ni Ong.
Hindi rin makakalimutan ng mga volunteer-beauty queen ang kanilang naging karanasan sa pagtulong sa kapwa.
“It is truly both an honor and a blessing to be able to work with a great organization such as Panday Bayanihan. Through our combined efforts, we were able to provide assistance to Filipinos in need,” ayon naman kay Malinao.
Suot ang kanilang face mask, nag-house-to-house ang mga beauty queen sa pamimigay ng mga food pack at face shields sa mga residente sa Saint Mary Ave., Saint Domitilla St., Saint Agnes St., at Saint Joan St., sa Provident Village, Brgy. Tañong, Marikina City.
Nagtungo din ang grupo kasama ang mga local volunteer sa Tañong High School, kung saan tumutuloy ang ilang evacuees para magbigay ng ayuda.
Samantala, relief packs, hot meals at mga face mask naman ang natanggap ng ilang residente ng San Mateo at Rodriguez, Rizal mula sa mga magkakaibigang beauty queen na tumulong din para magbalot ng mga relief packs sa Panday Bayanihan headquarters.
“We have previously worked with Panday Bayanihan for donation early in this pandemic. They have efficient teams and systems in place that coordinate with the local government units hit directly by the storm,” sabi naman ni Dr. KC Halili, Miss Manila 2014 at isa ring frontliner.
Samantala, sa Barangay Paltok at Bagong Silangan sa Quezon City, nagbigay din ang Panday Bayanihan kasama ang BH Partylist na mga relief pack sa ilang pamilyang nasalanta ng bagyo
Sa parte naman ng FPJPM (Filipinos for Peace, Justice and Progress Movement), namahagi ang grupo ng relief packs sa ilang residente ng Barangay Bagong Silangan, katulong pa rin ang Panday Bayanihan, isang nongovernment organization na nagsimulang mamahagi ng tulong noong 2013 matapos ang pananalanta ng bagyong Maring.