By Frances Pio
––
Ipinag-utos ni Bohol Governor Aris Aumentado ang pansamantalang suspensiyon ng mga biyahe sa Virgin Island sa Panglao matapos mag-viral online ang umano’y overpriced na bentahan ng mga seafoods sa lugar.
Si Aumentado noong Martes ay nagpahayag ng kanyang pagkadismaya sa insidente, na natuklasan matapos ang isang viral post sa Facebook ay nagpakita ng isang grupo ng mga turista na siningil ng mahigit ₱26,000 para sa kanilang order na mga seafoods.
“We are grateful to Social Media because it has given us a solid reason for the Sangguniang Panlalawigan to craft resolutions or ordinances that can provide protection and order to tourists that have been exploited for a long time by some businessmen in Panglao and other cities,” sinabi ng gobernador.
Naglabas ng pahayag ang tanggapan ng Region 7 ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong Martes na iniimbestigahan din nila ang sobrang singil sa mga pagkain.
Idinagdag ng DENR regional office na nakikipag-ugnayan na rin sila sa Protected Area Management Board of Panglao Island Protected Seascape (PIPS) para sa imbestigasyon.
Ang Virgin Island ay bahagi ng PIPS, na itinatag alinsunod sa Republic Act No. 11038 o ang Expanded National Integrated Protected Area Systems Law.
Samantala, sinabi ni Tourism Secretary Christina Frasco na ang kanyang tanggapan ay nakikipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry para magtakda ng makatwirang pamantayan sa presyo sa pagbibigay ng mga tourist goods at serbisyo bilang tugon sa insidente.
“While the DOT understands the current predicament and challenges faced by many tourism-related businesses and establishments that are gradually recouping losses due to previously imposed travel restrictions, I believe that due care must always be given to the overall experience of tourists whether it concerns upholding the quality of accommodations, attaining a certain level of service, or ensuring the reasonable pricing of products,” sinabi ni Frasco sa isang pahayag.