Share:

By Frances Pio

––

Nanumpa na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang ika-17 pangulo ng bansa nitong Huwebes, minarkahan nito ang muling pagbabalik ng isa pang Marcos sa Palasyo ng Malacañang matapos ang 36 taon mula sa panahon ng kanyang ama, ang yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos, na pinatalsik ng mga Pilipino sa isang mapayapang pag-aalsa.

Opisyal niyang sinimulan ang kanyang anim na taong termino sa tanghali matapos ibigay ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang kanyang panunumpa sa tungkulin. Ang kanyang inagurasyon ay nasaksihan ng kanyang pamilya, kabilang ang dating unang ginang na si Imelda Marcos, gayundin ang mga foreign dignitaries.

Ang inagurasyon sa Pambansang Museo sa Lungsod ng Maynila ay sinaksihan din nina dating Pangulong Fidel V. Ramos, Joseph Estrada, at Gloria Macapagal-Arroyo.

Ang hinalinhan ni Marcos na si Rodrigo Duterte, gayunpaman, ay piniling dumiretso sa kanyang bayan sa Davao City pagkatapos ng kanilang transition meeting sa Malacañang kaninang madaling araw.

Maituturing na solemn event ang inagurasyon kahit na may isang grand military-civic parade. Ngunit sinalubong ito ng mga protesta at hindi pagsang-ayon sa ibang mga lugar.

Nagtipon sa Bantayog ng mga Bayani ang mga nakaligtas at biktima ng batas militar sa ilalim ng diktadura ng ama ni Marcos para manumpa. Nais nilang ipahiwatig ang kanilang pangakong labanan ang alin mang klase ng paniniil, kasinungalingan, at pagyurak sa mga karapatan at kalayaan ng mga tao na maaaring mangyari sa ilalim ng panibagong Administrasyong Marcos.

Sa kanyang unang talumpati bilang punong ehekutibo, pinili ni Marcos na purihin ang administrasyon ng kanyang ama na namuno sa bansa sa loob ng 20 taon bago siya pinatalsik ng mga Pilipino sa isang “People Power” revolution na suportado ng militar noong 1986.

“I once knew a man who saw what little had been achieved since independence, in a land of people with the greatest potential for achievement, and yet they were poor. But he got it done. Sometimes, with the needed support, sometimes without. So will it be with his son. You will get no excuses from me,” sinabi ni Marcos.

Binanggit din niya na ang kanyang administrasyon ay lumilikha ng isang “comprehensive, all-inclusive economic transformation plan,” na susi sa mga pangunahing aspeto tulad ng sapat na pagkain at imprastraktura.

Pagkatapos ng seremonya, pinangunahan ni Marcos ang oath taking ng kanyang mga itinalagang Cabinet secretaries kahit nananatiling bakante ang mga nangungunang posisyon sa Departments of Health, Foreign Affairs, Energy, at Environment.

Isang inaguration dinner naman ang gaganapin din mamaya gabi.

Leave a Reply