By Frances Pio
––
Pinangalanan ang magandang isla ng Boracay na isa sa mga World’s Greatest Places of 2022, ayon sa prestihiyosong taunang listahan ng international magazine na TIME.
Nagtatampok ang listahan ng 50 tourist spots mula sa buong mundo. Sa tabi ng São Paulo, Bali, at iba pang mga kilalang atraksyon, ang Boracay ay pinarangalan bilang “Paradise Reborn.”
Inendorso ang sikat na isla ng Aklan ng mga lokal at dayuhang turista bilang isa sa mga best beaches sa mundo, dahil sa mga puting buhangin sa dalampasigan at “crystal blue waters” nito.
Higit pa riyan, ang isla ay puno rin ng iba’t ibang restaurant, hotel, at bar na magiging perpekto para sa lahat ng uri ng tropical vacations o getaways.
Sa artikulo, sinabi ng TIME kung paano itinuring ni dating Pangulong Duterte ang isla bilang isang “paradise lost,” o isang “cesspool,” at iniutos ang pansamantalang pagsasara nito dahil sa lumalaking problema sa basura.
“The once brilliant white sand and clear waters of Boracay Island were choking on the trash and traffic that comes from two million annual visitors. It reached a nadir in 2018, when Duterte closed down all tourism on the island for six month – an emergency Band-Aid for decades of ecological abuse,” ika ng TIME.
Bagama’t ang biglaang pagsasara na ito sa una ay nagkaroon ng matinding epekto sa lokal na ekonomiya, binigyan din nito ang isla ng isang kailangang-kailangan na pahinga mula sa mga turista na tinatayang nasa 19,000-katao kada araw.
Sa kalaunan ay nabawi ng Boracay ang dating kagandahan nito. Ang natural na flora at fauna ay lubos na naibalik sa oras na muli itong binuksan noong unang bahagi ng 2022. Ipinagmamalaki na ngayon muli ng isla ang malinis at asul na tubig, gayundin ang mas maluwag na dalampasigan.
“As of February 2022, international visitors can finally revel in this revamped, recuperated, natural playground after what was effectively a three-year convalescence,” dagdag ng TIME.
Ayon sa TIME, ang listahan ay pinagsama-sama sa pamamagitan ng serye ng mga nominasyon mula sa kanilang “international network of correspondents and contributors.”
Partikular nilang pinili ang mga posibleng mag-alok ng “new and exciting experiences” sa darating na taon.
Ang iba pang mga lugar na kasama sa listahan ay: Ras Al Khaimah, UAE; Park City, Utah; Galapagos islands; Dolni Morava, Czech Republic; Seoul, South Korea; Great Barrier Reef, Australia; Doha, Qatar; Detroit; Kerala, India; Ang Arctic; Ahmedabad, India; Nairobi, Kenya; Valencia, Espanya; Queenstown, New Zealand; Hwange National Park, Zimbabwe; at iba pa.