By Jude Sagun
MANILA, Philippines — Balik Kapuso na ang “King of Talk” na si Boy Abunda matapos ang 23 taon.
Sa post ng GMA Network, opisyal na nilang ipinakilala si Abunda bilang bagong Kapuso matapos pumirma nitong Huwebes, December 15.
“Nagbabalik na ang King of Talk sa GMA! Welcome home, Kapuso,” ayon sa GMA.
Sa panayam naman kay Abunda, masaya itong makabalik sa istasyon kung saan siya nagsimula noong 1994.
“Nag-umpisa ako sa GMA noong meron pa akong buhok. Ngayon, wala na pero laban pa rin po. Pero mula sa aking puso, salamat sa inyong tiwala sa aking kakayahan bilang isang presenter, talk show host at interviewer,” ani Abunda.
“I will commit to working hard, to doing the best I can, to be able to deliver the best entertainment, best interviews, and best shows for GMA-7,” saad pa nito.
Matagal nang usap-usapan sa social media ang paglipat ni Abunda sa GMA. Aminado naman ang talk show host na nahirapan siya sa kanyang pagdedesisyon.
Sa kanyang dating panayam, siniguro ni Abunda na magiging maayos ang kanyang pakikipag-usap sa iiwanang istasyon.
1994 nang maging public relations consultant si Abunda sa GMA, at unang naging host sa variety series na “Show and Tell. 1995 naman nang maging host ang King of Talk ng “Startalk.”
Iniwan ni Abunda ang GMA noong 1999 at naging host ng programang “The Buzz” kasama si Queen of Talk, Kris Aquino. “Tonight With Boy Abunda” ang huling evening program ng host sa GMA bago magsara noong 2020.