By Christian Dee
MAYNILA – Inanunsyo ng alkalde ng lungsod ng Pasig na si Mayor Vico Sotto na wala nang bayad ang business permit, sanitary permit, at health certificate ng mga sari-saring tindahan sa lungsod.
Base sa anunsyo ni Sotto, nais nitong matulungan ang mga maliliit na negosyo sa nasabing lungsod at makatulong sa paglago ng lokal na ekonomiya.
“Business Permit, Sanitary Permit, at Health Certificate ng mga SARI-SARI STORE sa Lungsod Pasig… LIBRE NA!!! Tulungan natin ang mga maliliit na negosyo sa Pasig, para lalong lumago ang lokal na ekonomiya,” saad ng alkalde sa kanyang anunsyo.
Gagawin ng “special permit” ang mga business permit ng sari-sari stores na may taunang kita na hindi lalampas sa P250,000.00, ayon sa impormasyong ibinahagi ni Sotto.
Wala na ring babayaran sa pagkuha ng sanitary permit at health certificate ng mga sari-sari store, base sa Pasig City Ordinance No. 54, s.2022 o “An Ordinance Providing Guidelines for the Registration of Sari-Sari Stores in the City of Pasig and For Other Pursposes”.
Ani Sotto, makatutulong din ang ordinansang nabanggit sa “public health” at hindi lamang sa negosyo at ekonomiya.
“Una mas mahihikayat natin silang magpa-checkup para sa health certificate. Pangalawa may mga requirement para sa nutrition (Halimbawa dapat may iodized salt kung nagtitinda ng asin),” anang alkalde.