Share:

––

Hindi napigilan ng ilang mga bituin ang maging emosyonal sa naganap na thanksgiving gathering nina Vice President Leni Robredo at Senator Kiko Pangilinan sa Ateneo de Manila University ground. 

Dagsa pa rin ang mga showbiz personality na nakilahok sa pagtitipon, kahit tapos na ang kampanya ng Leni-Kiko tandem. 

Muling umawit ang singer na si Bituin Escalante ng pambansang awit ng Pilipinas at muli namang nagpanata ang aktres na si Cherry Pie Picache. 

Kinanta ng aktres at morning show host na si Jolina Magdangal ang awiting ‘Kumilos at Manalangin’ na isa sa mga theme song ni Robredo para sa kanyang presidential campaign. Ngunit bago paman matapos ang kanta, hindi na napigilan ng aktres ang maging emosyonal. 

“Sa puso natin, panalo tayo,” Saad ni Magdangal nang matapos ang kanta. 

Nagmistulang concert ang okasyon dahil sa dagsa ng singer at banda na nang-aliw sa mga audience, isa na si Asia’s Songbird Regine Velasquez na kumanta ng awiting ‘Isang lahi.’ Hindi rin nagpahuli si Yeng Constantino at inawit ang kanyang sikat na awiting ‘Hawak Kamay.’ 

Marami pang sikat na mang-aawit ang nakikanta sa okasyon tulad nina Jona, Yeng, Janno Gibbs, at si Darren Espanto, na tumulo ang luha habang kinakanta ang ‘Rise Up’ ni Andra Day. 

“Mahal na mahal ko po kayong lahat, this is only the beginning. Mabuhay ang Pilipinas,” Saad ng young singer. 

Umiyak rin sa entablado ang singer-composer na si Nica del Rosario nang matapos niyang kantahin ang ‘Rosas’, ang pangalawang kantang ginawa niya para sa kampanya ni Robredo. 

Tumungtong sa entablado sa huling pagkakataon ang mag-amang sina Gab at Gary Valenciano, para sayawin ang kanilang dance hit, ‘Ang Presidente’ at iba pang kanta na pinasikat ni Gary V. 

Hindi lang mga celebrity ang naging emosyonal sa okasyon, mismong mga audience ang nagsi-iyakan dahil sa halu-halong emosyong nararamdaman sa huling pagtitipontipon ng mga ‘Kakampinks’ para sa eleksyon 2022, pabiro nilang binansagan ang uimiiyak ng “Mga Iyakin for Leni.’

Pumangalawa ang Leni-Kiko tandem sa resulta ng nagdaang halalan, kung saan nanguna sa kanila ang tambalang Marcos-Duterte na inaasahang mamumuno sa bansa sa loob ng anim na taon. 

Leave a Reply