Share:

By Margaret Padilla

Masayang ipinagmamalaki ng aktor ng ABS-CBN na si Coco Martin ang pagbahagi ng update sa kanyang upcoming teleserye na “FPJ’s Batang Quiapo.”

“Tapos na namin ‘yung Day 1 na episode. Sobra akong proud, ibang-iba siya sa ‘Probinsyano.’ Ibang-iba ‘yung treatment, ‘yung camera works,” kwento ng aktor na siya ring bida sa “FPJ’s Ang Probinsyano.”

Ipinahayag ng aktor sa kanyang kamakailang anunsyo bilang bagong RiteMed ambassador na sinimulan na nila ang pagsasapelikula ng serye at katatapos lamang nilang i-edit ang unang episode.

Ayon kay Martin, dapat nang makipagsabayan ang mga Pilipino sa pandaigdigang industriya ng telebisyon at pelikula, lalo na ngayong kinukuha na ng Netflix at iba pang streaming platform ang ating mga telenovela, at dapat tayong maging handa kung sakaling mapansin o magustuhan nila ang mga ito.

“Sabi ko nga, kailangan nating makipagsabayan sa international. Lalo na ngayon, ‘yung mga telenobela natin, kinukuha ng Netflix and kung ano-ano pang [streaming service]. Ihanda na natin, in case mapansin tayo or magustuhan nila,” aniya. 

“Siguro ito na ‘yung tamang panahon para i-upgrade naman natin ang ginagawa natin. Paghandaan na natin kung sakali na magustuhan nila ‘yung proyekto,” dagdag pa ng Kapamilya actor. 

Samantala, ipinakilala ng RiteMed ang bagong brand ambassador nito sa pagpapalabas ng pinakabagong TV commercial nito, na tampok si Martin.

Malugod na tinanggap ng aktor ang hamon na ipagpatuloy ang pamana at “advocacy” ng ‘Queen of Philippine Cinema’ na si Susan Roces, sa pamamagitan ng pagbibigay kakayahan sa masa na pumili ng de-kalidad at abot-kayang pangangalagang pangkalusugan.

Leave a Reply