By Frances Pio
––
Tatlong kandidato sa pagkapangulo at dalawang bise-presidente ang nabigong magsumite ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) noong Hunyo 8, ang huling araw ng paghahain.
Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) noong Huwebes na sina dating presidential spokesperson Ernesto Abella, dating defense chief Norberto Gonzales, at negosyanteng si Faisal Mangondato ay hindi naghain ng kanilang SOCE.
Samantala, ang mga vice-presidential candidates na hindi nagsumite ng kanilang SOCE ay sina pro-life advocate na si Rizalito David at economist na si Manny Lopez.
Naisumite naman na ng lahat ng kandidato sa pagkasenador na nanalo sa botohan noong Mayo 9 ang kanilang SOCE, ayon sa ulat.
May kabuuang 149 party-list groups at 30 political parties ang naghain din ng kani-kanilang SOCE.
Ayon kay Comelec Education and Information Department Chief James Jimenez, non-extendible ang paghahain ng SOCE maliban sa mga nanalong kandidato at party-list groups.
Ang mga nanalong kandidato at party-list groups ay bibigyan ng anim na buwan mula sa kanilang proklamasyon upang sumunod. Hangga’t hindi pa naisusumite ay idedeklarang bakante ang kanilang posisyon, sabi ng poll body.