By Frances Pio
––
Pinag-iisipan ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules na palitan ang napaulat na “outdated and pricey” na mga laptop na binili noong nakaraang taon para sa mga public school teachers.
Sinabi ni Atty. Michael Poa, ang tagapagsalita ng DepEd, kung mapapatunayang hindi de-kalidad ang P2.4-bilyong halaga ng mga laptop na pinag-uusapan, sila ay maghahanap ng mabilis na paraan upang maayos o hihingi ng warranty provision ng mga gadget na ito.
“Tingnan natin kung mabagal talaga. Kung meron tayong quick fix within the department para matulungan iyong mga guro, gawin na natin. But that’s the first course of action,” sinabi ni Poa.
“Kung talagang mabagal talaga iyong mga computer and not up to par with what we wanted, iyan pong mga computer, as far as I understand, ay covered pa rin ng warranty,” ika ni Poa, habang pinunto na magsasagawa sila ng mga legal na paraan ukol dito.
Sa pakikipag-ugnayan sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) – na responsable sa pagbili ng mga laptop, sinabi ni Poa na ipapatupad ng DepEd ang warranty clause sa ilalim ng kontrata sa supplier.
“Doon na natin pag-uusapan if may magagawa pa sila riyan or papalitan nalang iyong laptops ng supplier. But again, these are all legal remedies,” dagdag pa niya.
Binanggit din ni Poa na hinangad ng DepEd
na isama sa 2023 budget ang mga probisyon sa pagbibigay sa mga guro ng karagdagang learning materials, kabilang ang mga gadget.
Hanggang sa magsimula ang school year sa Agosto 22, binigyang-diin niya ang pangangailangang resolbahin ang mga nakakagulong reklamo sa mga laptop ng mga guro.