By Christian Dee
MAYNILA – Nagpahayag ng pagsuporta ang Department of Interior and Local Government sa dating kalihim nito na si Eduardo Año sa pagtatalaga sa kanya bilang bagong National Security Adviser (NSA).
Ani DILG Secretary Benhur Abalos Jr., buo ang suporta ng ahensya sa desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagtalaga kay Año sa posisyon.
Sinabi ni Abalos sa bagong talagang NSA na maaring umasa ang National Security Council sa naturang ahensya at sa Philippine National Police, kabilang ang mga lokal na pamahalaan, sa mga ipapatupad nitong programa at patakaran para sa pangkalahatang seguridad at kapayapaan ng bansa.
“Naniniwala kami na buong husay na ginagampanan ni Año ang kanyang bagong tungkulin bilang NSA at tagapayo ng Pangulo sa mga isyu ng seguridad ng bansa dahil na rin sa malawak na karanasan niya sa Armed Forces of the Philippines, sa Department of National Defense at pati na rin sa DILG,” sabi ng kalihim ng DILG.
Matatandaang nagsilbi bilang DILG Secretary si Año sa ilalim ng administrasyong Duterte, at dating Chairman naman si Abalos ng Metropolitan Manila Development Authority.