Share:

By: Margaret Padilla

Mula Enero 1 hanggang Hunyo 4 ng taong ito, nakapagtala na ang Pilipinas ng 39,705 kaso ng dengue fever, ayon sa Department of Health.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire noong Miyerkules na ang bilang ay 31% na mas mataas kaysa sa parehong panahon noong 2021.

“As for now, our latest data shows that we have reported 39,705 dengue cases from January 1 to June 4. Cumulatively, this is 31 percent higher compared to the reported cases during the same time period in 2021,” inihayag niya sa isang virtual press conference.

Ayon sa tagapagsalita, 14 sa 17 rehiyon ng bansa ang lumampas sa kanilang dengue epidemic threshold, kung saan ang Central Visayas, Central Luzon, at Zamboanga Peninsula ang nag-ulat ng pinakamaraming kaso.

Dagdag pa, ayon kay Vergeire, 202 sa mga naiulat na kaso ng dengue mula noong Enero ay pumanaw na. Ang mga nasawi ay naitala tulad ng sumusunod: 29 noong Enero, 36 noong Pebrero, 34 noong Marso, 43 noong Abril, 48 noong Mayo, at dalawa noong Hunyo.

Pinaalalahanan niya ang publiko na magsagawa ng mga hakbang sa pag-iwas sa dengue, partikular sa pamamagitan ng pagpapanatiling malinis sa kanilang paligid at alisin ang mga nakaimbak na tubig na maaaring magsilbing pugad ng lamok.

Ipinaabot ni Vergeire ang panawagan ng DOH na gamitin ang 4S strategy, na kinabibilangan ng paghahanap at pagsira sa mga breeding sites, pag-secure ng self-protection, paghingi ng maagang konsultasyon, at pagsuporta sa fogging/spraying sa mga hotspot areas.

Leave a Reply