Share:

By Christian Dee

MAYNILA – Pumalo na sa 41 indibidwal ang biktima ng mga paputok isang araw bago ang Bisperas ng Bagong Taon, ayon sa Department of Health nitong Biyernes.

Ang bilang ay nadagdagan matapos maitala ang lima pang naputukan, at tumaas na rin sa 52 porsyento ang bilang ng mga nabiktima kumpara sa mga naiulat noong nakaraang taon.

“Mula kahapon, Dec. 29, lima (5) ang naitalang bagong kaso ng fireworks-related injury mula sa 61 na DOH sentinel hospitals,” anang ahensya.

“Sa kasalukuyan, ang kabuuang bilang ng mga kaso ng pinsala dulot ng paputok ay nasa apatnapu’t isa (41) na mas mataas ng limampu’t dalawang porsyento (52%) kumpara sa naitala noong nakaraang taon sa sakop na petsa,” dagdag pa ng DOH.

Matatandaang noong 2021, dalawampu’t pito (27) lamang ang bilang ng mga naitalang sugatan dulot ng mga paputok mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 30.

Anang DOH officer-in-charge na si Maria Rosario Vergeire, hindi naman maiaalis sa mga Pinoy na sabik na i-celebrate ang Bagong Taon.

Ngunit paalala ni Vergeire, “Gawin natin ang masaya but not to the detriment of our health,” aniya sa isang press briefing kahapon, Disyembre 29.

Leave a Reply