By Christian Dee
MAYNILA – Nitong Huwebes, Disyembre 29, sinabi ng Department of Health (DOH) na tumaas na sa tatlompu’t anim ang bilang ng mga sugatan dulot ng mga paputok.
Ito ay matapos maitala ang karagdagang apat na kaso ng fireworks-related injuries mula Disyembre 28 hanggang 29.
“Mula kahapon, Dec. 28, apat (4) ang naitalang bagong kaso ng fireworks-related injury mula sa 61 na DOH sentinel hospitals,” anang DOH.
Kung ikukumpara sa nakaraang taon, ang naitalang bilang ng naturang sugatan ngayon ay 44 porsyentong mas mataas sa kaparehong mga araw noong 2021.
“Sa kasalukuyan, ang kabuuang bilang ng mga kaso ng pinsala dulot ng paputok ay nasa tatlumpu’t anim (36) na mas mataas ng apatnapu’t apat na porsyento (44%) kumpara sa naitala noong nakaraang taon sa sakop na petsa,” dagdag pa ng ahensya.
25 lamang ang naitalang kaso nito noong 2021 mula Disyembre 21-29 habang umabot naman sa 128 na inidibidwal ang kabuuang bilang ng mga nasugatan sa mga paputok.