Share:

By Frances Pio

––

Muling pormal na ibinalik ang pole vaulter na si Ernest John Obiena ng kanyang mother federation, ang Philippine Athletic Track and Field Association (Patafa) sa line-up ng pambansang koponan.

Inanunsyo ng national track and field association ang welcome development matapos bumoto ang majority ng mga miyembro ng Patafa board sa muling reinstatement ni Obiena sa Philippine National Team.

Ayon kay Patafa Executive Vice President Willie Torres, ang Tokyo Olympian at world championship bronze medalist ay isasama sa master list ng Patafa kasama ang limang iba pang atleta.

Ang Patafa roster ay tatanggapin ng Philippine Sports Commission, na gagawing opisyal ang muling pagpasok ni Obiena sa national squad.

“We are thankful to the Patafa leadership for taking this step to solidify the strength of our national athletics team,’’ sinabi ni PSC Officer-in-Charge at Commissioner Olivia “Bong’’ Coo.

Si Obiena ay hindi kasama sa national athletics team noong unang bahagi ng taong ito kasunod ng kontrobersyal na hidwaan sa pagitan ng vaulter at ng Patafa na bunsod ng mga akusasyon ng mga hindi nabayarang gastusin at hindi pagbabayad ng kanyang Ukrainian coach na si Vitaly Petrov.

Sa wakas ay nagkasundo na muli ang magkabilang panig at nagkaayos sa isang mahabang mediation na pinangunahan ni PSC Chairman William “Butch’’ Ramirez, na nagpapahintulot kay Obiena na ipagtanggol ang kanyang titulo sa Southeast Asian Games sa Vietnam.

Ang 26-taong-gulang na si Obiena ay nasa ikatlong pwesto sa world ranking ng mga pinakamagagaling na pole vaulter kasunod ng kanyang pagtapak sa podium sa World Athletics Championships noong nakaraang buwan sa Eugene, Oregon.

Leave a Reply