Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar nitong Huwebes, na masusing iimbestigahan ng mga pulis ang walang awang pagpaslang sa isang abogadong opisyal ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) sa South Cotabato. “The Philippine National Police joins the legal community and the Filipino people in condemning the killing of a lawyer in South Cotabato,” Ayon kay Gen. Eleazar.
Inutusan na ng Hepe ng PNP ang regional director ng Police Regional Office-12 (PRO-12) na imbestigahan ang pagpatay kay Atty. Juan Macababbad, na pinaslang sa harap ng kaniyang bahay ng tatlong hindi pa nakikilalang lalaki nitong Miyerkules. Tumakas sakay ng motorsiklo ang lahat ng suspek.
Sinisigurado ng PNP na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng abogado. “Kasabay ng pagkondena dito ay ang aking kautusan sa RD, PRO12 na tutukan ang kasong ito upang mapanagot ang mga taong nasa likod nito at maibigay ang nararapat na hustisya kay Atty. Macababbad at sa kanyang pamilya,” pahayag ni Gen. Eleazar.