By Christian Dee
MAYNILA – Ayon sa pamilya, ililibing na ang labi ni Janice Pontillas, ang gurong binawian ng buhay sa aksidente sa bus sa Bataan, sa darating na Lunes.
Matatandaang nalaglag sa bangin sa bayan ng Orani ang sinasakyang bus ni Pontillas noong Nobyembre 5 nang . Kaisa-isang nasawi ang buhay ng guro habang nasugatan naman ang kaniyang mga kasamahan matapos ang insidente.
Inilahad naman ng isa pang biktimang si Genalyn Morales ang nangyaring trahedya.
Natandaan pa niyang magkatabi sila ni Pontillas sa upuan nang maganap ang insidente.
Ayon sa kaniya, “May [dumaan] pong pick-up na papasok po sa resort so doon pa lang umatras na po ng ano yung bus, pangalawang beses, so nagsigawan na po doon, pero naging okay naman pero after mga ilang minutes, lumiko sa pinaka-kurbada, parang pabilog na yung kurbada eh so siguro hindi na na-kontrol ng driver, baka di na kumabig yung preno kasi doon pa lang sa simula ang tingin po namin dun, napuwersa po siguro yung preno so dun pa lang kasi ilang minutes pa lang po eh dirediretso na po eh.“
Samantala, hindi pa nakakapagdesisyon ang pamilya ng nasawi kung maghahain ba ng reklamo laban sa nagmaneho ng bus dahil inuuna nito ang pag-aasikaso sa burol ni Janice, ayon sa asawa niyang si Ariel Pontillas.
Pansamantala namang nakalaya ang bus driver habang naghihintay pa ng pasya ng pamilya ukol sa pagsasampa ng reklamo.