By Christian Dee
MAYNILA – Sa darating na Disyembre 5 hanggang 16, sasalang ang unang Olympic gold medalist ng Pilipinas na si Hidilyn Diaz sa 2022 International Weightlifting Federation World Championships na gaganapin sa Bogota, Colombia.
Bilang paghahanda at maging kwalipikado sa 2024 Paris Olympics, sasabak muli si Diaz sa women’s 55kg class – kaparehong weight division na sinalihan niya nitong nakaraang taon, kung saan siya nanalo at nag-uwi ng gintong medalya mula sa Tokyo Olympics.
Makakasama ni Diaz ang ilang pang mga Pinoy pride na sina Elreen Ando na sasabak sa 59kg class, Vanessa Sarno at Kristel Macrohon sa 71kg, at Rosegie Ramos at Lovely Inan sa 49kg.
Samantala, ang men’s team naman ng Pilipinas ay binubuo nina Nestor Colonia na lalaban sa 55kg, John Febuar Ceniza sa 61 kg, at Dave Pacaldo sa 67kg.
Bukod dito, makakasama rin ng mga atleta ang kanilang mga coach na sina Ramon Solis, Richard Agosto, Joe Patrick Diaz and Julius Naranjo, pati ang weightlifting president Monico Puentevella at mga miyembro ng Team HD na sina Jeaneth Aro and Karen Trinidad.