By Christian Dee
MAYNILA – Nasa 219 ang naitalang bilang ng mga nasirang bahay habang 36 naman ang tuluyang napinsala sa ilang bayan sa Palawan kabilang ang Taytay, Balabac, Brooke’s Point, Aborlan, at Bataraza dulot ng pagbaha at matinding pag-ulan sa naturang lalawigan nitong linggo.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng probinsya, nasa 3,266 na indibidwal o 781 na pamilya ang naapektuhan, kasama ang kanilang mga tahanan, dahilan ang malakas na pag-ulan at dinulot nitong pagbaha.
Ang mga naitalang apektadong pamilya ay nagmula sa iba’t ibang mga bayan kabilang ang Quezon, Sofronio Española, Taytay, Brooke’s Point, Narra, Bataraza, at Balabac.
Nang humupa ang baha, bumalik din sa kanilang mga tahanan ang mga residenteng apektado ng sakuna mula sa bayan ng Quezon.
Nakapagtala naman ng nasa 33 bilang ng mga bangka ang nasira habang labing-anim naman ang tuluyang nawasak.
Isinuspinde naman ng mga lokal na pamahalaan ng Narra, Sofronio Española, at Brooke’s Point ang pasok sa trabaho sa pribado at pampublikong opisina.