Share:

By Christian Dee

MAYNILA – Umabot sa 352 ang bilang ng mga tahanang bahagyang napinsala ng magnitude 5.3 na lindol na dinanas kamakailan lamang sa bayan ng Leyte, probinsya ng Leyte.

Bukod dito, labing-tatlong bahay naman ang nawasak dahilan din ng nangyaring pagyanig sa naturang lugar.

Pumalo naman sa 15 katao ang bilang ng mga nagtamo ng sugat dahil sa lindol, isa ang nasa ospital habang ang iba naman ay patuloy na nagpapagaling sa kanilang mga bahay.

Nasa mahigit P30 milyon na rin ang halaga ng napinsala ng tumamang lindol at sabi ng isang municipal disaster officer na si Rafael Lucban, patuloy pa rin ang assessment sa lugar at posible pang madagdagan ang naitalang halaga ng pinsala.

Dalawang gusali sa Baco Elementary School ang nasira at idineklara na ng municipal engineer na kakailangin itong i-demolish dahil sa hindi na ito ligtas gamitin.

Hindi pa rin ipinapagamit ang ilang school buildings at silid-aralan habang hindi pa natatapos ang pagpapaayos.

Ang nasabing lokal na pamahalaan ay nakikipag-ugnayan na umano sa Kagawaran ng Edukasyon ukol sa nangyaring pinsala ng lindol sa eskwelahan.

Leave a Reply