By Christian Dee
MAYNILA – Sa unang linggo ng taong 2023, nakapagtala ng 3,127 na bagong kaso COVID-19 sa bansa, base sa datos na inilabas ng Department of Health nitong Lunes.
Sa lingguhang ulat ng ahensya, ang naitalang bagong kaso ay mula Enero 2 hanggang 8, na anang DOH ay nasa 447 ang bilang ng mga bagong kaso kada araw.
Ang nabanggit na datos ay mas mababa kumpara ng siyam (9) na porsyento kumpara sa mga naitalang kaso noong Disyembre 26 hanggang Enero 1.
Noong Linggo, Enero 8, mayroong 507 pasyente ang naka-admit sa mga ospita dahil sa malubha at kritikal na sitwasyon nito dulot ng COVID-19.
“Sa 2,379 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 431(18.1%) ang okupado. Samantala, 4,185(21.6%) ng 19,373 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit,” anang DOH.
Paalala naman ng ahensya sa publiko na huwag maging kampante sa banta ng naturang kumakalat na sakit at sundin pa rin ang minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1.
Hinimok din ng ahensya na magpabakuna ang mga hindi pa nakapagpapaturok ng bakuna para sa karagdagang proteksyon laban sa COVID-19.