By: Margaret Padilla
Habang patuloy na nakakaapekto ang inflation sa industriya ng pagkain sa Pilipinas, ang maliliit na panadero ay nagpupumilit na makagawa ng de-kalidad na pandesal, isa sa mga paboritong almusal ng mga Pilipino. Ilang grupo ng mga community bakeries at baking and confectionery suppliers ang umapela para sa tulong habang nahaharap sila sa kahirapan sa ekonomiya.
Iminungkahi ng mga community bakers na itaas ang presyo ng pandesal sa 4.00 kada piraso dahil sa pagtaas ng presyo ng mga raw materials tulad ng harina, gawgaw, at asukal.
“Apat na piso lang po ang hinihingi namin. Yan na po ang naisip naming paraan para kaming mga community bakeries ay makaahon,” paliwanag ni Princess Lunar, direktor ng Asosasyon ng Panaderong Pilipino, sa isang news video clip ng CNN Philippines.
Ayon sa CNN Philippines, maraming community bakeries ang nagsara ng mga tindahan, at inamin ng mga panadero na mahirap mapanatili ang kalidad sa mababang presyo.
Ganun din, sinabi ni Jam Mauleon, isa pang direktor ng Asosasyon ng Panaderong Pilipino, “nangyayari na kasi ang pagtaas ng dolyar sa piso, sobrang affected ang opec o operations costs namin.”
“Opo kasi lumilit na rin yung margin o kita namin,” sang-ayon naman ng isang panadero.
Nasabi naman ng isang customer ng panaderya na kailangan ang pagtaas ng presyo. “nagtaasan na kasi lahat, I think kailangan rin para makalaban rin ang mga bakers.”
Tutol naman ang ibang panadero sa 4.00 na pagtaas ng presyo ng pandesal dahil nababahala sila na hindi na bumili ang mga customer at mas lalo silang malugi.
“Kung tataas ang (presyo ng) arina, wala tayong magagawa doon, pero kung pwede, kahit hanggang 3.00 lang sana, yung kaya lang ng tao,” ayon sa isang bakery owner na nakapanayam ng ABS CBN news.
Samantala, ayon sa Philippine Association of Flour Millers, tataas muli ang presyo ng harina, isang pangunahing sangkap ng pandesal, sa susunod na buwan dahil sa patuloy na labanan ng Russia-Ukraine.
Gayundin, tumaas din ng P3.00 ang mga palaman ng tinapay, tulad ng peanut butter at liver spread.
Humingi ng tulong sa gobyerno si Chito Chavez, ang may-ari ng Tinapayan Festival, sa kanilang kasalukuyang sitwasyon.
“Pandesal is a part of the filipino tradition pero nanganganib ng mawala. Handa kaming makipag ugnayan sa anumang ahensya ng gobyerno na titingin para sa kapakanan ng industriya ng maliliit na magpapandesal,” aniya.
Higit sa lahat, ayon kay Ric Pinca, executive director ng Philippine Association of Flour Millers Inc. (PAFMIL), ang mga panadero ay nahaharap sa mga hamon ng mataas na presyo ng trigo at gasolina at ang gobyerno ay dapat magbigay ng tulong at subsidyo sa gasolina sa mga gumagawa ng tinapay sa bansa.
Dapat ding ibaba ang mga taripa sa iba pang baking raw materials, aniya.
“Unang-una, hinihiling ko lang sa gobyerno baka maaaring bigyan sila ng unang-una subsidy sa fuel, dahil gumagamit sila ng (liquefied petroleum gas), eh napakataas ng ano, LPG ngayon, mahigit P1000 bawat isang 11 kg tank. Eh yan ang ginagamit nilang pagluto, sa kanilang mga oven,” ang pakiusap ni Pinca.
“Kasama na rin dyan yung baka pwede nating bawasan ang tariff sa bakery ingredients katulad ng yeast, ‘no?”
Bumibili rin daw sila ng asukal, confectionary sugar, asin, at baking powder. Ang mga bagay na ito ay hindi gawa sa lokal, at ang pagbaba ng taripa ay walang epekto sa mga industriyang mayroon sila.
Samantala, nanindigan si Pinca na may sapat na suplay ng harina ang bansa.
“Sapat ang ating suplay, hindi tayo magkukulang. Ang nangyayari lamang ay mataas ang presyo ng harina at dahil dito ay tataas ang presyo ng pandesal dahil sa demand sa world market para sa trigo.”