Share:

By Frances Pio

––

Plano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibalik ang humigit-kumulang 30 porsiyento ng mga lumang ruta ng bus na dumadaan sa university belt sa Maynila.

Sinabi ni LTFRB Chairperson Cheloy Garafil na titiyakin nito na magkakaroon ng sapat na pampublikong sasakyan bilang paghahanda sa mas madaming byahero sa muling pagbubukas ng in-person classes ay magpapatuloy sa Agosto.

“Noong pandemic, for health and safety protocols, maraming na-cut na lines… ‘Yung old routes since maraming nagrereklamo (na) mga driver din na nawalan ng hanap-buhay, hindi viable ang pagpasada nila kaya hindi sila pumapasada, that’s what we’re studying and we hope to return once we go back to school in August or September,” sinabi ni Garafil.

Nakipagpulong si Transportation Secretary Jaime Bautista sa iba’t ibang ahensya noong Biyernes bilang paghahanda sa pagbabalik ng face-to-face classes.

Bukod sa pagpapanumbalik ng mga lumang ruta, ilang rekomendasyon din ang ibinigay upang matiyak ang mas magaang na byahe ng mga mag-aaral. Kabilang dito ang libreng sakay sa EDSA Busway, LRT-2, at Pasig River Ferry.

Nauna nang pinalawig ni Pangulong Bongbong Marcos ang libreng sakay sa EDSA Busway hanggang Disyembre 2022 habang ang libreng sakay para sa mga estudyante sa LRT-2 ay magsisimula sa Agosto.

Samantala, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na gumagawa sila ng unified system kung saan ang mga mag-aaral ay magkakaroon ng 20 porsiyentong diskwento sa iba pang linya ng riles tulad ng MRT-3, LRT-1, at Philippine National Railways.

Ang Department of Education (DepEd), sa bahagi nito, ay nagpahayag ng rekomendasyon na masaklaw din ng mga guro ng benepisyong ito. Sinabi ni Bautista na pag-aaralan nila ang panukala ngunit binanggit na ang mga guro ay maaaring mag-avail ng libreng sakay sa EDSA busway.

“Gusto lang natin na masiguro at ma-emphasize ng ating gobyerno at maparamdam sa ating guro na sila ay binibigyang halaga ng ating gobyerno,” sinabi ni Education Undersecretary Epimaco Densing.

Leave a Reply