Share:

Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Lunes na hihingi sila ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI) sa pagiimbestiga sa umano’y pagbebenta ng COVID-19 vaccination slots.

“Mamaya, magpupulong kami sa NBI, at ito po ay sa NBI cybercrime,” sinabi ng chairperson ng MMDA na si Benhur Abalos sa isang panayam sa telebisyon nang tanungin tungkol sa mga aksyon upang matugunan ang naiulat na pagbebenta ng mga vaccination slots.

“Maganda po ang development sa aming kapulisan sa PNP [Philippine National Police] cybercrime [unit], may mga lead na po kami. Winawarningan po namin kayo. The full extent of the law will be applied here,” dagdag niya pa.

Paalala ni Abalos sa publiko na libre ang lahat ng bakuna sa COVID-19 mula sa gobyerno.

Ang mga slot para sa pagbabakuna ng COVID-19 sa Mandaluyong City at San Juan City ay naiulat na nabibili ng hanggang P12,000, depende sa tatak ng bakuna.

Para sa ginawa ng China na Sinovac, mula P6,000 hanggang P8,000 para sa dalawang doses habang ang bakuna na ginawa ng Pfizer at tatak na British-Swede AstraZeneca ay mula P10,000 hanggang P12,000 bawat slot.

Leave a Reply