Share:

By Frances Pio

––

Inamin ni incoming Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella nitong Huwebes na ang pagbaba ng presyo ng bigas sa P20 kada kilo ay “mahirap” sa ngayon, ngunit iginiit na pag-aaralan niya ito.

Naniniwala si Estrella na posibleng maibaba ang presyo ng bigas mula sa kasalukuyang rate nito. Gayunpaman, sinabi niya na ang pagbaba ng presyo ng bigas sa P20 kada kilo ay magiging mahirap sa ngayon dahil sa mataas na presyo ng gasolina at pataba.

“If you do serious pencil pushing, talagang paga-aralan mo ano, yung P20 [per kilo] eh mukhang sa ngayon, medyo mahihirapan pa tayo,” ayon kay Estrella.

“Pero kung yung mapalapit lang namin ng kaunti, mataas-taas ng kaunti doon at maabot natin, I want to be realistic ‘no… ‘yun lang malapit doon, tingin ko pwede na,” dagdag pa niya.

Nang tanungin tungkol sa mas maaabot na presyo ng bigas, sinabi ni Estrella na aabot ito sa P27 hanggang P28 kada kilo.

“Siguro hanggang mga P27 [per kilo] nga yan, P27, P28, pwedeng-pwede na ‘yan,” ika niya.

“Pero yung P20, eh talagang pag-aaralan ko ng husto yan, pag-aaralan namin ng husto at talagang magsusunog kami ng kilay para magawa natin ‘yan,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Estrella na ang mga paraan para makamit ang mababang presyo ng bigas ay kinabibilangan ng pag-aaral sa mga buto at lupang ginagamit ng mga magsasaka, gayundin ang pagtuturo sa mga magsasaka tungkol sa pinakabagong teknolohiya sa agrikultura.

Leave a Reply