By Christian Dee
MAYNILA – Inaresto ng mga awtoridad ang isang babaeng suspek na hinihinalang “high value” na suspek sa pagtutulak ng ilegal na droga sa Lucena City.
Nahuli si Jonalyn Sagala, 31 anyos, matapos pagbentahan ng shabu na nagkakahalagang P11,000 sa isang poseur buyer, dakong alas-10:30 ng gabi sa Barangay Ilayang Iyam, ayon kay Colonel Ledon Monte, hepe ng pulis sa probinsya ng Quezon.
Nakumpiska mula sa suspek ang 13 shabu na may bigat na 66.13 grams. Tinatayang nagkakahalaga ito ng P449,684 (Dangerous Drugs Board value).
Base sa ulat, kada gramo ay nasa P20,400 ang halaga sa street market, kaya ang nakumpiskang shabu mula kay Sagala ay may halagang P1,349,052.
Kinumpiska rin ng pulisya ang motorsiklong pinaniniwalaang gamit ng suspek sa pagtutulak ng ilegal na droga.
Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga pinagmulan ng droga.
Kaugnay dito, ibinahagi ng pulis na kabilang si Sagala sa drug watch list ng awtoridad.
Nahaharap naman ang suspek sa paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.