By Frances Pio
––
Inihayag ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na nangako si Jordan Clarkson na maglaro para sa Gilas Pilipinas sa 2023 FIBA World Cup.
Naglabas ng pahayag ang SBP noong Biyernes, na ang Utah Jazz guard ay malamang na maglaro sa ikaapat na window ng Asian qualifiers laban sa Lebanon sa Agosto 25 sa Beirut at laban sa Saudi Arabia sa Agosto 29 sa Mall of Asia Arena, bago kumatawan sa Pilipinas muli sa pagho-host nito ng World Cup sa susunod na taon.
“Utah Jazz guard Jordan Clarkson is sure to play in the World Cup and will likely join Gilas in the fourth window… But won’t be available for the two other windows and the SEA Games,” ayon sa pahayag ng SBP.
Sinabi ng SBP na hihikayatin din nila si Kai Sotto para maglaro sa Gilas sa huling tatlong window ng Asian qualifiers, sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia sa susunod na taon, at sa World Cup.
Maliban kina Clarkson at Sotto, ang mga manlalaro mula sa 10 na eliminated na PBA teams ay posibleng maglaro sa Gilas sa August window dahil magsisimula ang Philippine Cup finals sa Agosto 21.
Gayunpaman, haharapin ng Gilas ang isang mabigat na problema sa Nobyembre dahil magkakaroon ng magkakasabay na iskedyul ang NBA, PBA, UAAP, NCAA, at mga foreign league sa ikalimang window. Ang pambansang koponan ay kailangan ding bumuo ulit ng isa pang collegiate-laden squad para sa ika-anim na window sa Pebrero dahil tanging mga manlalaro ng UAAP at NCAA lang ang available sa panahon na iyon.
“The time for leagues to sacrifice and adjust schedules with Gilas in mind is now as the World Cup is only a year away,” sinabi ni SBP president Al Panlilio.
Idinagdag ni Panlilio na hindi sila magkakaroon ng anumang problema sa pag-secure ng availability ng mga manlalaro para sa World Cup dahil ang PBA ay magkakaroon lamang ng dalawang kumperensya, at linisin ang kalendaryo nito mula Mayo hanggang Agosto sa susunod na taon.
Tutulong din ang Fiba upang kumuha ng clearance para sa mga manlalaro ng Gilas mula sa mga foreign leagues sa Japan at Korea.