By Frances Pio
––
Simula sa Nobyembre 2, magpapatupad na ang lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa ng limang araw na face-to-face classes, ayon sa utos ni Education Secretary Vice President Sara Duterte.
Ito ay nakapaloob sa Department of Education (DepEd) Order 34, s. 2022, ang unang utos ni Duterte bilang education chief, na isinapubliko nitong Martes.
“Starting November 2, 2022, all public and private schools shall have transitioned to five days in-person classes. After the said date, no school shall be allowed to implement purely distance learning or blended learning except for those that are implementing Alternative Modes,” ayon sa utos na inilabas ng DepEd.
Nakasaad din sa kautusan na magsisimula ang school year 2022-2023 sa Agosto 22, Lunes, at magtatapos sa Hulyo 7, 2023.
Sinabi ng DepEd na bibigyan nito ang mga paaralan ng “sapat na panahon para dahan-dahang lumipat” sa limang araw na in-person classes sa pamamagitan ng pagpapatupad ng alinman sa mga sumusunod na opsyon:
- Five days of face-to-face classes
- Blended learning: Three days of in-person classes and 2 days of distance learning, or 4 days of in-person classes and 1 day of distance learning
- Full distance learning
Ang mga opsyon na ito ay ipapatupad lamang ng mga paaralan hanggang Oktubre 21, 2022, sabi ng DepEd.
Sa press briefing nitong Martes, sinabi ni DepEd Undersecretary Epimaco Densing na ang pagbabalik sa limang araw na face-to-face class ay mandatory, at “lahat ng naka-enroll ay dapat sumunod” at hinihikayat ang mga magulang na tiyakin na ang kanilang mga estudyante ay makakapasok sa paaralan.