By Christian Dee
MAYNILA – Makatatanggap ng hanggang P20,000 ang bawat empleyado ng Pamahalaang Panlungsod ng Makati na aabot sa nasa 8,000 indibidwal.
Ito ay kaugnay ng pag-apruba ng konseho ng naturang lungsod sa ordinansa na naglalaan ng pondo para sa Service Recognition Incentive (SRI).
“Over 8,000 Makati City Hall employees will receive up to P20,000 as Service Recognition Incentive (SRI) after the local city council approved ordinances for its immediate funding. City Ordinance No. 2022-A-168, passed by the Sangguniang Panlungsod of Makati last week, authorizes the allocation of P163,998,000.00 for the SRI,” anang lokal na pamahalaan ng Makati sa isang pahayag.
Ang kabuuang bilang ng mga empleyadong makatatanggap ng incentives, ayon sa alkalde ng lungsod, Mayor Abby Binay, ay binubuo ng 3,434 na mga regular, 4,695 casual, at 17 kontraktwal na mga empleyado.
Makatatanggap naman ng halagang P5,000 incentive at bigas ang 2,259 na job order employees.
Nagpasalamat naman ang naturang alkalde sa konseho ng lungsod dahil sa mabilisang pag-apruba ng paglalabas ng karagdagang incentive para sa mga empleyado.
“I hope this incentive will inspire our employees to continue to work hard in the service of our Proud Makatizens,” ani Binay.
Ang mga empleyado naman na hindi umabot sa apat na buwan sa paninilbihan sa lungsod ay mayroon ding karapatan sa pro-rated shares, ayon sa Makati local government unit (LGU).
- Hindi bababa sa 3 buwan: 40% ng SRI
- Hindi bababa sa 2 buwan: 30% ng SRI
- Hindi bababa sa 1 buwan: 10% ng SRI
- Wala pang 1 buwan: 10% ng SRI