Share:

By Christian Dee

MAYNILA – Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Miyerkoles, Enero 4, may posibilidad na ibalik ang Libreng Sakay sa EDSA Bus Carousel.

Kasalukuyan pa ring walang nailalabas na panuntunan ukol sa pagbabalik at pagpapatuloy ng libreng pasahe sa programa ng pamahalaan.

“Sa budget ng department nitong 2023, may nakalaan naman na budget para dito kaya lang sa ngayon, fina-finalize pa iyong guidelines ng department habang wala pa iyong budget. Pero tama kayo, baka maibalik iyong free ride kaya lang kung paano ito i-implement, wala pa tayong final guidelines ang department,” ani Joel Bolano, LTFRB technical division head.

Matatandaang simula Enero 1, muling ibinalik ang pagbabayad ng pamasahe sa EDSA bus carousel dahilan ang pagtatapos ng programa noong Disyembre 31, 2022.

Ngunit kahit na nag-propose ng halagang P12-billion na budget ang Department of Transportation para sa pagpapatuloy ng nasabing programa sa taong ito, ibinasura naman ito ng Department of Budget and Management (DBM).

Sinabi naman ng chair ng Senate Committee on Finance na si Senator Juan Edgardo Angara na sa 2023 General Appropriations Act, mayroong P2.6 billion na nakalaan para sa pagpapatuloy ng libreng sakay sa ilang mga pampublikong sasakyan gaya ng EDSA Bus Carousel.

Leave a Reply