By Christian Dee
MAYNILA – Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Martes, binawasan na ang bilang ng mga bus na bumibiyahe sa EDSA Carousel.
Kasalukuyang 550 ang bilang ng mga bus, balik sa kabuuang bilang nito bago ipatupad ang programang “Libreng Sakay”.
“Resolved, the reduction of the number of units serving the busway from seven hundred fifty-eight (758) units to five hundred fifty (550) units starting January 1, 2023,” saad sa resolusyong nilagdaan ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III.
Ang mga pansamantalang bus ay idinagdag sa operasyon para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa holiday rush, ayon sa LTFRB.
Natapos na rin ang naturang programa noong huling araw ng taon, Disyembre 31, 2022, at nanumbalik nang muli sa pagbabayad ng pasahe ang mga pasahero.
Ipinaliwanag naman ng LTFRB na imo-monitor pa rin nila ang dami ng bus na bumabiyahe para malaman kung sapat ba ito o hindi.
“Continue ang monitoring ng LTFRB para makita kung yong original na 550 units ba ay tama na or kulang ba talaga para ma address agad,” anang ahensya sa mga mamamahayag.