By Frances Pio
––
Umapela ang Land Transportation Office (LTO) nitong Martes sa mga local government unit na suriin muna at suspindihin ang pagpapatupad ng no contact apprehension policy (NCAP).
Sinabi ito ni LTO Chief Teofilo Guadiz III sa isang pahayag, matapos matanggap ang mga reklamo ng mga public utility vehicle operators na napilitang magbayad ng multa para sa mga paglabag sa trapiko na ginawa ng kanilang mga driver.
“Sa ilalim ng batas, ang nagbabayad ng multa ay ang registered owner ng sasakyan, on the presumption na ang rehistradong may-ari ng sasakyan ang nagmamaneho and by command responsibility, ‘yung may-ari ng sasakyan talaga ang dapat na magbayad kung may violation,” sinabi ni Guadiz.
“Pero, ito po ay pinag-aaralan namin ngayon. Tila po may kakulangan sa policy na maaaring kailangang repasuhin upang ang mismong drayber o nagmamaneho ng sasakyan ang dapat na managot sa paglabag. We will look into ways na ang dapat managot ay ang drayber,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Guadiz na nais din niyang suriin ang mga posibilidad kung saan naibenta na ang sasakyan sa ibang indibidwal, kung saan maaring ang paglilipat ng rehistro ay hindi pa nasagawa sa LTO.
Dahil dito maaaring ang taong nagbenta ng sasakyan ay siyang magbabayad ng multa para sa violation na nagawa ng bagong may-ari ng sasakyan.
“There are instances po na ‘yung sasakyan ay nailipat na sa ibang pangalan pero dahil hindi ito nailagda sa LTO, ang sinisingil pa po nila ay ‘yung dating may-ari ng sasakyan. We would like to revisit this,” sinabi ni Guadiz.
Naniniwala si Guadiz na ang layunin ng NCAP ay marangal, ngunit dapat muna itong ayusin para sa mas epektibong pagpapatupad.
Pagkatapos ay nilinaw niya na ang NCAP ay isang proyekto ng mga LGU at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na ipinaliwanag na ang LTO ay tumutulong lamang sa pagpapatupad nito sa pamamagitan ng pagpapadala ng alarma tungkol sa sasakyan na lumabag.