Muling isasailalim sa community lockdown ang komunidad ng Bagong Kaunlaran, Barangay Paso de Blas sa lungsod ng Valenzuela matapos mapag-alamang nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19) ang nasa 25 porsyento hanggang 50 porsyento ng mga residente na sumailalim sa nagdaang round ng swab testing.
Magsisimula ang lockdown sa Bagong Kaunlaran mula alas-12:00 ng madaling araw ng Hulyo 25 hanggang alas-11:59 ng gabi ng Agosto 9, 2020.
Sa ilalim ng community lockdown, kinakailangang manatili ang mga residente sa kanilang mga tahanan. Mahigpit din na ipinagbabawal ang pagpasok at paglabas sa naturang komunidad.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ang pagkakaroon ng rasyon ng pagkain at tubig tuwing apat na beses sa isang araw. Mamamahagi din ng hygiene kits sa mga apektadong residente.
Maglalagay naman ng mga kaukulang Medical Command Post para sa mga pangangailangang medikal ng mga residente at Padala Station para sa mga kamag-anak na magdadala ng pagkain at iba pang mga pangangailangan.
Ang mga lalabag sa Ordinance No. 670 o Stay at Home Ordinance ng lungsod ay papatawan ng multang P5,000, habang ang mga lalabag naman sa Ordinance No. 742 o COVID-19 Spread Prevention Ordinance ay papatawan ng multang P10,000 o pagkakakulong nang hindi hihigit sa 30 araw.
Sa monitoring report ng Lungsod nitong Hulyo 22, nasa 1,569 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod, na may 960 bilang ng mga aktibong kaso, 563 sa nakarekober at 46 bilang ng mga nasawi.