Share:

By: Margaret Padilla

Isang linggo bago ang opisyal na pagbubukas ng mga klase sa bansa para sa school year 2022-2023, nag-viral sa iba’t ibang social media platforms, partikular sa Facebook, ang mga disinformation post tungkol sa mga qualified na estudyante na maaring tumanggap ng mga cash handout sa tiyak na halaga sa pamamagitan ng isang government scholarship program.

Ang pekeng anunsyo ng scholarship ay unang ibinahagi sa isang Facebook page ng “DSWD 4ps Update” noong Agosto 12.

“Mag-palista na para sa scholarship program. Lahat ng estudyante may 6,500 Cash Allowance, laptop at libreng cellphone at School Supplies, pati mga nanay, makakatanggap ng 7,000 pesos monthly kaya mag palista na sa link now na,” ayon sa pekeng post.

Gayunpaman, ang claim ay mali. Ang mga mag-aaral ay hindi makakatanggap ng anumang scholarship cash handout. Ang post ay naipakalat sa pamamagitan ng mga pekeng account ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang isa pang FB page, ang “TESDA Online Courses,” ay nagkalat ng kahalintulad na maling impormasyon kahapon, Agosto 17, na binanggit pa ang DSWD bilang pinagmulan nito. 

Nakasaad sa post na sisimulan ng DSWD ang pagbibigay ng Educational Assistance sa mga kwalipikadong estudyante mula elementarya hanggang kolehiyo/bokasyonal na antas, at nagbigay ito ng link para malaman kung paano mag-apply.

Ang nasabing pekeng scholarship post ay naibahagi na rin sa mahigit 79,000 beses sa Facebook pages habang sinusulat ito, na umani ng 36,000 reaksyon at 18,000 komento.

Samantala, nag-post ang DSWD ng infographic sa Twitter page nito noong Agosto 16, na nagbabala sa publiko tungkol sa panibagong hoax na post ng scholarship, sa pagkakataong ito mula sa page na pinamagatang “Balita Pinas Ngayon.”

“Nais ipagbigay-alam sa publiko ng DSWD na huwag agad maniwala sa mga online post na hindi inilabas ng mga opisyal na social media account ng DSWD. Kabilang na dyan ang posts mula sa “Balita Pinas Ngayon.” 

Ito ay nagpapahiwatig na ang “Balita Pinas Ngayon” blogsite/website ay hindi konektado at walang kaugnayan sa DSWD. Isang screenshot ng umano’y pekeng post ang naka-attach sa tweet.

Ayon sa Yahoo News, ang karamihan sa mga pages sa Facebook na nagbahagi ng mga anunsyo ng hoax na scholarship ay hindi verified.

Maraming netizens ang tumugon na parang naniniwala sila na ang mga post ay legit na anunsyo ng gobyerno.

Leave a Reply