Share:

By: Frances Pio

––

Halos 3,000 na lumabag sa expanded number coding scheme ang nahuli nitong Martes ng umaga, sinabi ng opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Isang araw pa lamang matapos magkabisa ang expanded number coding scheme, ngunit inihayag ni MMDA Task Force Special Operations Chief Bong Nebrija na nasa 2,939 na ang mga lumabag na nahuli ng ahensya.

“Ngayong araw po na ito, from 7 to 10 ngayong umaga, ay nakapagtala po tayo ng 2,939 vehicles na na-apprehend po at pinagsabihan rin natin yung mga motorista at drivers na ito,” sinabi ni Nebrija.

Ibinahagi din niya na 1,588 violators ang nahuli noong Lunes lamang, ang unang araw na muling ipinatupad ng MMDA ang kanilang morning number coding hours.

Nagkabisa ang morning coding scheme noong Agosto 15 mula 7 a.m. hanggang 10 a.m. bukod pa sa umiiral na number coding hours mula 5 p.m. hanggang 8 p.m.

Sinabi ng opisyal ng MMDA na ang mga nahuling motorista ay binigyan ng babala at pinaalalahanan na dumaan sa mga alternatibong ruta na magagamit nila sakaling maipit sa trapiko sa mga oras ng number coding.

Hinikayat pa ni Nebrija ang mga driver ng mga pribadong sasakyan na planuhin ang kanilang mga biyahe ayon sa number coding hours, na nakakaapekto lamang sa mga piling sasakyan isang beses sa isang linggo, upang hindi makasabay sa mga pampublikong sasakyan.

Ang dami ng mga sasakyan sa kalsada ay inaasahang tataas kapag ang limited face-to-face classes nagbukas sa Agosto 22.

Leave a Reply