Share:

By Frances Pio

––

Sinimulan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa serye ng pambobomba sa Mindanao simula noong 2021.

Anim na insidente na ang naiulat, sa ngayon, kabilang ang pinakabago sa Koronadal noong Mayo 26.

Bumiyahe si NBI Director Eric B. Distor, kasama ang mga operatiba ng NBI-Counter Terrorism Division, sa mga areas of concern sa Mindanao noong Miyerkules. Sinamahan sila ng NBI forensic experts at isang evidence response team, sa pangunguna ni NBI Deputy Director for Forensic Investigation Service Ferdinand Lavin at Deputy Director for Intelligence Service Roel Bolivar.

Nagsimula ang serye ng mga insidente ng pambobomba noong Enero 7, 2021, na may isang hoax bomb threat at extortion demand na ipinadala sa kumpanya ng bus na YBLI sa opisina nito sa Koronadal City, South Cotabato.

Sa oras ng tawag, ang YBL bus 2688 ay nasa Kidapawan, Cotabato Overland Terminal. Hinalughog ng PNP Explosive Ordnance Disposal at Canine Group ang bus na natagpuan ang isang improvised explosive device (IED). Sa kuha ng CCTV, lumabas ang dalawang lalaking pasahero sa bus na nag-iwan ng IED sa loob ng bus.

Makalipas ang dalawampung araw, noong Enero 27, 2021, isang bomba ang sumabog sa YBLI bus 2988 sa isang stopover sa National Highway, Crossing Sibsib, Tulunan, North Cotabato.

Isang sibilyan ang nasawi habang apat na iba pa ang sugatan sa insidente. Pangingikil at terorismo ang motibo sa likod ng pambobomba, ayon sa militar.

Isa pang insidente ng pambobomba ang naganap noong Hunyo 3, 2021 kung saan sinunog ang YBLI bus A-104 sa M’Lang, North Cotabato, na ikinasawi ng tatlong tao at ikinasugat ng anim na iba pa.

Ngayong taon, apat na bus bombing ang naganap sa magkahiwalay na lokasyon sa Mindanao.

Noong Enero 11, binomba ang isang Mindanao Star bus sa Aleosan, North Cotabato na nagresulta sa pagkamatay ng isang limang taong gulang na batang lalaki. Tatlong indibidwal din ang nasugatan.

Noong Abril 24, sumabog ang isang Rural Tours bus sa Parang, Maguindanao, na ikinasugat ng hindi bababa sa tatlong pasahero. Noong Mayo 26, dalawang magkahiwalay na pagsabog ang nangyari sa Koronadal na walang naiulat na nasaktan.

Sinabi ni Distor na ang imbestigasyon ng NBI sa serye ng pambobomba ay nakadirekta sa pagtiyak ng pambansang seguridad, gayundin para maiwasan ang mga posibleng malalaking pag-atake hindi lamang sa Mindanao kundi sa iba pang bahagi ng bansa.

Leave a Reply