Share:

By Christian Dee

MAYNILA – Inilibing na ngayong Linggo, Pebrero 5, ang overseas Filipino worker na pinaslang sa Kuwait na si Jullebee Ranara.

Punong-puno ng emosyon ang mga kaanak at mga kaibigan ni Ranara nang ihatid ito sa kanyang huling hantungan sa Golden Haven Memorial Park sa lungsod ng Las Piñas.

Sa paglilibing sa naturang 35-anyos na OFW, nagkaroon ng maikling programa at pinasalamatan ng mga miyembro ng pamilya at mga malalapit na kaibigan ni Ranara ang mga nakiramay.

Bumuhos ang luha ng pamilya at mga kaibigan nito habang nagdadalamhati at nagpapaalam sa naturang pinaslang.

Kuwento ng pinsan ni Ranara, Jenny Magay, hindi agad siya naniwala sa nangyari sa kanyang pinsan hangga’t hindi ito nakikita.

“Hindi kami naniniwala hangga’t hindi namin nakikita na siya po talaga ‘yon. Kasi wala po talaga sa isip namin na mangyayari sa kaniya ‘yon,” aniya.

Hangad din ng pamilya ang hustisya para kay Ranara.

Hinimatay pa ang isang tiyahin ng biktimang OFW.

Sinabi naman ni Overseas Workers Welfare Administration Administrator Arnell Ignacio na tuloy at ang susunod na hakbang ay ang hustisya na hiling at kailangang maibigay sa pamilya at kay Ranara.

Matatandaang nakiramay din si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang namayapang OFW sa burol nito noong Enero 30, tatlong araw matapos maiuwi ang labi ni Ranara sa bansa.

Leave a Reply