By Frances Pio
––
Upang mapagaan ang pasanin ng mga Pilipino sa kasalukuyang pandemya ng COVID-19 at iba pang problema na kinakaharap ng bansa, isang mambabatas ang nagmumungkahi ng pagbibigay ng isang beses na P2,000 na tulong para sa lahat ng mga Pilipino.
Sinabi ni Kalinga Rep. Irene Gay Saulog sa kanyang House Bill No. 2022 na kailangan ang cash aid dahil responsibilidad ng gobyerno na protektahan ang mga mamamayan nito at alisin ang kahirapan sa kanilang buhay.
“It shall be the policy of the State to promote a just and dynamic social order that will ensure the prosperity and independence of the nation and free the people from poverty through policies that provide adequate social services, promote full employment, a rising standard of living, and an improved quality of life for all,” sinabi ni Saulog.
“In order to provide relief from the heavy burden brought about by the ongoing pandemic and the rapid rise of goods and services, a one-time cash aid of P2,000 will be provided to all Filipinos. This ayuda for all Filipinos will be an equitable means of providing assistance, especially to those who were neglected in the previous programs of the government,” dagdag pa niya.
Kamakailan, malaki ang itinaas ng mga presyo ng mga bilihin. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) dahil ito sa 6.4 porsyentong headline inflation rate para sa Hulyo — mas mataas sa 6.1 porsyento noong Hunyo.
Mula noong Enero, ang average na inflation rate ay nasa 4.7 porsyento.
Ang mga pangunahing dahilan ng mataas na inflation rate ay ang mga produktong pagkain pa rin tulad ng karne at isda, kasama ang mga produktong langis tulad ng gasolina, gastos sa transportasyon, at kuryente.
Para sa bawat Pilipinong naninirahan sa bansa, ang panukala ni Saulog, kung maisasabatas, ay nangangailangan ng hindi bababa sa P218 bilyon na cash assistance.
“The cash aid will be provided to all Filipinos residing in the Philippines during the implementation of the program […] The amount of P218 billion or so much thereof as may be necessary is hereby appropriated for the effective implementation of this Act,” ika niya.
Ang mahabang panahon ng lockdown na dulot ng pandemya ay puminsala sa ekonomiya dahil ang mga tao ay hindi makapagtrabaho sa labas ng kanilang mga tahanan upang maiwasan ang pagkalat. Dahil dito, ilang beses namahagi ang gobyerno ng mga cash aid upang makatulong sa mga mamamayan.
Noong unang bahagi ng 2021, namigay ang gobyerno ng cash aid sa mga naninirahan sa tinatawag na National Capital Region Plus (NCR Plus) — Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal — nang ang isang COVID-19 surge ay tinulak ang pamahalaan na magsagawa ng isa pang lockdown sa rehiyon.